Sa Masayang Araw
ODA AL DIA FELIZ / Odas elementales
Sa araw na ito,
hayaan akong maging masaya;
walang nangyari kaninuman
masaya lang ako
sa apat na silid ng aking puso,
naglilimayon,
natutulog, o nagsusulat.
Anong magagawa ko? Masaya ako.
Higit akong mas marami
kaysa mga talahib —
Nahihipo ko ang balat ng
nangungulubot na puno,
at ang tubig sa ilalim,
at ang mga ibon sa itaas,
at ang dagat, tulad ng singsing, nakapalibot sa aking baywang.
Ang daigdig ay likha sa tinapay at tubig.
Umaawit ang hangin tulad ng gitara.
Ikaw, katabi ko sa buhanginan,
ikaw ang buhangin.
Umaawit ka at ikaw ang awit.
Ngayon ang mundo
ay aking kaluluwa,
awit at buhangin;
ngayon ang daigdig
ay ang iyong bibig.
Hayaan akong maging masaya
sa buhanginan, hinahaplos
ang iyong labi.
Ang maging masaya
masaya, dahil oo, dahil buhay pa ako,
at dahil buhay ka pa,
masaya, dahil hinahawakan ko
ang iyong tuhod,
at tila hinahawakan ko na rin
ang bughaw na balat ng langit
at ang kaniyang sariwang hangin.
Ngayon hayaan akong maging
masaya
kasama ang lahat, o kahit wala sila,
kasama ang pinitak
at ang buhangin,
kasama ang hangin, ang lupa,
masaya,
kasama ka, ang iyong labi,
masaya.
Pablo Neruda/ salin ni Maria Jovita Zarate